Mga Kabuuang Pageview

Linggo, Oktubre 19, 2014

DONAIRE, PINALAKOL NI WALTERS


NASAPOL NI PALAKOL! Isang solidong kanang suntok ang pinakawalan ni Jamaican pug Nicholas “The Axeman” Walters kay Nonito “The Filipino Flash” Donaire sa huling segundo ng Round 6 sa kanilang bakbakan para sa WBA super featherweight title, na idinaos sa Stubhub Center sa Carson, California. (Chris Farina/ Top Rank)

Carson, California-        Mukhang hindi pa hinog na umupak sa super featherweight division si Nonito “The Filipino Flash” Donaire (33-3, 21 KO’s). Ito marahil ang naging dahilan kung kaya natalo siya ng mas sanay sa nasabing division na si Jamaican pug Nicholas “The Axeman” Walters (25-0, 21 KO’s). Nagbunyi ang mga taga- Jamaica nang pabagsakin ng kanilang kababayang boxer si Donaire sa Round 6 sa title bout para sa WBA super featherweight title na idinaos sa Stubhub Center sa Carson sa California. Una nang natumba sa lona sa Donaire sa Round 3, pero agad namang itong nakatayo. Ika nga ng mga nakapanood, di umubra ang bilis ni Donaire sa palakol ni Walters. Asintado umanong sumibak ng kalaban.

Pero, pagsapit ng Round 6, na siyang itinakda ni Walters na tatapusin n’ya ang laban, nagawa nitong pabagsakin ang Pinoy pug sa huling natitirang 10 segundo nang tamaan ng malakas at matulis na kanang smasher sa bandang ulo’t tainga ni Donaire. Itinigil ng referee na si Raul Caiz ang laban dahil hindi na nagawang rumesponde sa pakikipagtalastasan ni Donaire kahit nagawa pa nitong makatayo. Marahil, ininda ni Donaire ang cut sa kaliwang mata nito at pamamaga ng kanang mata. Bagama’t nakikipagsabayan kay Walters, medyo hindi iniinda ng Jamaican pug ang suntok nito kumapara sa nagawa n’ya sa Round 2, kung saan muntikan nang bumagsak ang tinaguriang “The Axeman”.

Ayon kay Walters, isang pangarap na natupad aniya ang matalo ang isa sa de-kalibreng bosingerong si Donaire na nasa listahan ng pound-for-pound list. Sa edad na 4-anyos, habang nangangarap na naglalakad nang nakayapak sa dalampasigan, nagpasya na siyang maging boxer pagkatapos bigyan ng gloves ng kanyang ama na isa ring boksingero. Ang hirap at kaabahang na dinanas noong mga nagdaang panahon ang naging inspirasyon at motibasyon n’ya upang pag-igihan ang laban. “He beat the shit out of me,” ani Donaire pagkatapos ng laban na pinuri si Walters dahil sa kakaibang kakayahan nito at lakas bilang boxer.

 “You're my favorite fighter now,” sabi pa ni Donaire kay Walters na kinilala rin ang kakayahan ng “The Filipino Flash” sa lona. Kapag scorecards ang pag-uusapan, napag-iwanan si Donaire pagkatapos ng Round 5 sa kartadang 49-45, 48-46 at 48-46. Nagpakawala ng 122 power punches si Walters (41 rito ang tumama)  kumpara kay Donaire na 110 lamang ( 36 lang ang tumama).

Dahil sa pagbo-boksing, unti-unti n’yang naiiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya. dahil sa pagkapanalo, posibleng makaharap ni Walters ang mananalo sa upakan nina two-time Olympic gold medalist Vasyl Lomachenko kontra Thai boxer na si Chonlatarn Piriyapinyo bilang undercard sa Pacquiao-Algieri bour sa Nobyembre 22 na idaraos sa Macau, China.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento