Hello again my dear
readers. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. Ako, okay naman ang lagay ko.
Nilalamig na naiinitan na di mo maintindihan. Buweno, ang ating paksa ngayon ay
tungkol sa mga mga anik-anik na ginagawa natin noong mga bata pa tayo.
Nakalulungkot
isipin na hindi ko na nakikitang ginagawa ito ng makabagong henerasyon ng mga
kabataan. Siguro dahil sa makabagaong teknolohiya gaya ng social networking
sites at mga laro sa cyber space. Kaya ang mga bata ngayon, hindi na nilalaro
at ginagawa ang pagsasanay ng katawan na
makatutulong sana sa kanilang pisikal na aspeto.
Wala na akong mga
batang naglalaro gaano ng tumbang preso, patintero, sipa, teks-teks, taguan
pong, Chinese garter, siyato, tarak-tarak (yung laruang trak o kotse na gawa sa
katawan ng pulbos), at iba pa gaya ng Langit, Lupa, Impiyerno. Noong kabataan
ko, naghahanap ako ng gagambang bulik sa latian saka sa bukid tapos ibinebenta
sa mga kapwa ko bata para pagsabungin Ito rin ang libangan ko sa iskul. Kung
minsan, salagubang naman. Maghahanap kami ng mga kalaro ko ng salagubang lalo
na sa punong ipil-ipil, sampalok at talisay.
Sa pagkakatanda ko,
nakakakalahating balde kami nun tapos ibinebenta namin ng 50 sentimos hanggang
piso. Naglalaro rin kami ng sunda-sundaluhan sa bundok tapos ang kalaban namin
kunwari ‘e yung mga puno. Pati puno ng saging pinagdidiskitahan naming kaya
tadtad ng butas at ang iba ay bagsak. Pero ngayon, tutok ang mga kabataan sa laro
sa computer gaya ng Candy Crush, Angry Bird, Flappy Bird, at Plant Versus
Zombies.
Ang isang malaking
kinalulungkot ko ay wala na akong makitang gagambang ekis na nagsasapot sa
poste at kable ng kuryente, telepono at cable. O kaya, sa punong malapit dito.
Bakit kaya? Pinaglalaruan ko rin kasi yun nung bata ako.
Sa isip-isip ko, baka
kako naapektuhan na sa Climate Change, sa mga jumper ng kuryente, mahal na
singil sa kuryente, mga salbaheng bata na binabato sila at sinusungkit, baka
nagsasawa na sa kawad ng kuryente. O nagsasawa na sa polusyon sa lungsod? O ang
malaking rason, di kaya nagtampo na dahil sa makabagong laro? O dahil pinutol
ang puno na kanilang tinatambayan? Wish ko lang, makakita sana uli ako o
makahanap ng gagambang ekis sa poste ng kuryente. Di kaya sumama na sila kay
Spiderman?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento