Mga Kabuuang Pageview

Martes, Setyembre 8, 2015

BAKIT PUMATOK ANG TAMBALANG "ALDUB"




Parang epidemyang kumakalat sa ngayon ang karisma ng tambalang Kapuso hunk actor na si Alden Richards at ni Maine Mendoza also known as " Yaya Dub". 

Dahil sa kanila, tumitigil ang mundo at inaabangan ang " Kalye Serye" na bahagi ng ' Juan For All, All For Juan" segment ng pinakamatagal na noontime variety show--- o sabihin pinakamatagal na palabas pa nga sa kasaysayan ng telebisyon ng Pilipinas, ang "Eat Bulaga".

Kahit tayo ay nama-nama-magnet ng tambalang "AlDub" na kahit papaano'y bumabalik ang mga sandaling kinikilig tayo dahil sa naging karanasan din natin ito noong tayo'y umiibig. Lalo na noong tayo'y nagbibinata at nagdadalaga--- o dalaga na at binata.

Lahat ata ngayon ay nahuhumaling na sa kakaibang tambalang ito na hindi nag-uusap sa camera. Kundi, nagpapakiramdaman lang. Nagpapa-cute sa isa't-isa. Gayunman, kilig na kilig ang mga nakakapanood sa kanila. 

Dati, hindi naman napapansin masyado o nadudumog ang mga pook na pinagdarausan ng "Juan For All, All For Juan". Subalit, ngayon, ang tindi na ng dumog. Parang bumalik ang dating " frenzy" noong dekada 70 kung papaano dumugin ang tambalang "Guy and Pip". Iba na ito, parang may mind control ang Aldub fever. Nakababaliw. Nakakakilig. Marami ang apektado bawat araw dahil sa kilig factor na hatid ng dalawa.

Gaya ng ibang kuwento ng pag-ibig, may hadlang. Pero, mapamaraan ito at nagtuturo ng kagandang asal. Na kung saan, ang pag-ibig ay hindi dapat minamadali. bagkus, ito ay pinaghihirapang makamit. Sa pag-ibig, handa kang magtiis at maghintay. Na gagawin mo ang lahat, para makuha ito sa tamang paraan at tamang panahon. 

Ang "Aldub Fever" ay maituturing nating isang aksidenteng imbensiyon--- o di li kaya'y isang bagong nabuong putahe o recipe. Isang bagong pormula sa loveteam sa daigdig ng telebisyon.

May mga isinasaalang-alang tayo na factor o salik kung bakit naging patok itong "AlDub" loveteam. Kasama na rin ang ilang opinyon, mungkahi at masasabi ng ilan sa ating mga kaibigan at ng saloobin ng taumbayan. 

Una, napabilang ito sa palaman ng Eat Bulaga na 36 taon nang umeere sa telebisyon. Walang anumang palabas sa telebisyon na umabot sa gayung tugatog ng kanyang ginintunang panahon. Kapag sa Eat Bulaga napabilang ang isang pakulo, tiyak na papatok ito.

Ang kakaibang gimik na hatid na "split screen" love team. Na kauna-unahan ata sa mga nagawang tambalan. Isama pa ang mga matitikas na Dabarkads na sina Jose Manalo, Wally Bayola at Paulo Ballesteros na bahagi ng istorya ng "Kalyeserye" na gumaganap sa iba't-ibang karakter. 



(Photo Credit: SparklingNeon)

Ang misteryo ng hindi pa pagkakadaupang-palad ng dalawa ( Alden at Yaya Dub) ang isa sa nakapagbibigay ng kilig sa mga tagasubaybay nito. Ilabas na natin ang pagkakadaupang palad nila noong di pa sikat gaano si Alden. Iba yun kaysa sa ngayon. Isama pa ang misteryo kung ano ang nilalaman ng diary ni Lola Ni Dora, kung sino ang tunay na ina ni Yaya Dub, kung sino ang kumidnap. etc.

May isang kalog at kenkoy sa kanilang tambalan sa katauhan ni Maine Mendoza o Yaya Dub. Gayunman, maganda ito at mahusay sa Dubsmash. Marami na itong followers sa Facebook at Twitter bago pa nadiskubre ng Eat Bulaga dahil sa kaka-Dubsmash. Si Alden naman ay seryoso na tipong kenkoy na pa-cute. masasabing nakuha ng ET ang bago, pero tamang timpla ng love team. Sabi nga ni Henyong Joey De Leon, naisip na nila yun nang magsisimula pa lang pagtambalin ang AlDub. 

Ang nangyayari kasi sa dalawa ay nangyayari rin sa tunay na buhay. Isang tipikal na takbo ng isang buhay-pag-ibig, makaluma man o makabago ang estilo ng pagpapahayag ng mga damdamin. 

"Yung mga awitin o kantang pinatutugtog na dina-dubsmash nila ay nakakasabay o alam ng karamihan. Kapag naririnig ito ng iba't-ibang henerasyon--- halimbawa ng generation 80's, 90's ,2000's at sa kasalukuyan, bumabalik ang ala-alang ng masasayang lumipas na kung saan ay kaagapay ang mga awitin sa kanilang buhay, lalo na sa buhay pag-ibig. 

Bagama't nakauumay o nakakaantok minsang manood ng palabas kapag tanghali, nabago ito ng Aldub. Ngayon, lahat ay tutok na rito. Ngayon nga, kapag Kalyeserye na, parang katulad na rin ng laban ni Pambansang Kamao Manny "Pacman Pacquiao. Tumitigil ang pag-inog ng mundo--- yung mga pumapasada, garahe muna, tigil muna. Walang trapik. Payapa ang paligid dahil sa kilig. Pati mga barako, kinikilig na rin. 








Walang komento:

Mag-post ng isang Komento